Magsasagawa ng dry run ang gobyerno sa MRT-3 hinggil sa ipatutupad na new normal sa sandaling umubra na ang operasyon ng tren sakaling luwagan na ang restrictions sa quarantine measures sa katapusan ng buwang ito.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati na sa gagawing dry run sa May 30 at 31, magtatalaga sila ng train marshals sa loob ng mga tren para matiyak ang social distancing ng mga pasahero.
Bukod sa social distancing at pagtatalaga ng mga upuan sa loob ng mga tren, sinabi ni Capati na isasaillim din nila sa disinfection ang mga tren at maglalagay sila ng sanitizers at alcohol para sa mga pasahero sa loob ng mga istasyon para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid pa ni Capati na bahagi ng new normal ang pagkakaruon na lamang ng 153 pasahero kada train set mula sa dating 1,200 pasahero.
Una nang inihayag ng pamunuan ng MRT-3 ang paglalaan ng dalawa hanggang tatlong oras sa pagsakay sa MRT-3 kapag nabalik na ang operasyon nito.