Kinuwestyon ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang kautusan ng DOTr na paikliin ang distansya ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP mas inilapit pa ng DOTr ang publiko sa peligro ng COVID-19 kung layunin ng hakbangin nito ay para madagdagan ang bilang ng mga pasahero sa mga public transportation.
Sinabi ni Inton na dapat maglatag ng alternatibong safety halth protocols sa public transport system tulad nang ginagawa sa ibang bansa kung talagang nais ng DOTr na madagdagan ang ridership.
Isinulong ni Inton ang pagdaragdag na lamang ang aktuwal na bilang ng mga pampublikong sasakyan na pumapasada para matiyak na makakasaka ang commuters sa rush hours.
Hindi aniya uubrang basta na lamang sasabihin ng DOTr na papayagan nilang makapagbiyahe ang ibang public utility vehicle gayong hindi naman nila matukoy ang aktuwal na pumapasada.
Naniniwala si Inton na mahirap din sa hanay ng operators at drivers na pumasada kung malulugi lamang din sila dahil sa umiiral na reduce capacity at nangangamba silang posibleng magkatotoo ang pangamba ng transport exports na darating sa panahon na tuluyan nang walang masakyan ang publiko dahil hindi na kinaya ng mga tsuper ang mga panuntunang umiiral sa public transportation.