Naglabas na ng listahan ang DOTr o Department of Transportation ng listahan ng mga maaaring dalhing likido sa MRT-3.
Ayon sa DOTr, ang mga bottled drink o inumin at anumang uri ng liquid substance ay hindi pahihintulutan sa mga tren dahil maaari itong ihalo sa iba pang sangkap sa paggawa ng bomba.
Gayunman, nilinaw ng pamunuan na may ilang liquid items na papayagan pa ring dalhin sa tren ngunit sa ilalim pa rin ito ng approval mula sa mga security personnel, kabilang dito ang: breast milk na nasa bote, baby formula, at inuming tubig kung ang pasahero ay babyahe nang may kasamang baby o bata; lahat ng prescribed at over-the-counter na gamot; inumin, juice o liquid nutrition o gel sa mga pasahero namang may kapansanan o kakaibang kondisyon; mga life-support o life-sustaining liquids gaya ng blood products, bone marrow, at transplant organs; at iba pang medical-related items.
Humiling naman ang DOTr sa publiko ng solidong kooperasyon at pang-unawa para sa mas ligtas na pagbyahe.
Samantala, ang mga itinalagang karagdagang seguridad na ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng pambansang pulisya matapos ang nangyaring magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.