Nagpaalala ang Department Of Transportation o DOTR sa public transport operators na hindi sila sakop ng umiiral na expanded curfew sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ito’y matapos mapaulat na maraming Authorized Persons Outside of Residence o APOR ang nahirapang sumakay dahil marami sa mga puv ang naipit sa mga checkpoint.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Mark Steven Pastor, maaari bumyahe ng mas maaga ang mga pampublikong sasakyan upang maiwasan na maipit sa mga checkpoint.
Binigyang diin din ni Pastor na karamihan sa mga pampasaherong bus mula sa Metro Manila ay may mga nakatalagang terminal pagdating sa mga probinsya kaya’t hindi maiiwasang dumaan sa mga checkpoint.
Kasabay nito, nagpaalala ang DOTr sa mga pampublikong sasakyan na sundin ang 50% capacity na pinapayagan sa mga PUV at huwag mag overload para hindi magtagal sa mga checkpoint.