Nagpaliwanag ang Department of Transportation o DOTr kung bakit nila isinama ang dating mga miyembro ng Aquino administration sa kinasuhan ng plunder sa Ombudsman kaugnay sa problema sa maintenance contract sa MRT.
Ayon kay Transportation Undersecretary Reinier Paul Yebra, ito ay dahil sa pagiging miyembro ng mga dating opisyal ng Government Procurement Policy Board (GPPB).
Paliwanag ni Yebra, bilang kasapi ng GPPB ay naging pabaya ang mga akusado nang ituloy pa rin nilang igawad sa Busan Universal Rail Incorporated o BURI ang maintenance contract kahit pa nakita na nila ang ilang iregularidad partikular na ang kawalan ng financial capability at technical expertise nito.
Matatandaang kinasuhan ng DOTr ng kasong plunder sa Ombudsman sina dating DILG Secretary Mar Roxas, dating DBM Secretary Florencio Abad, Department of Finance Secretary Cesar Purisima, dating Department of Energy Secretary Jericho Petilla, dating DOST Mario Montejo, DND Secretary Voltaire Gazmin, dating DPWH Secretary Rogelio Singson at dating NEDA Secretary Arsenio Balicasan.
Kabilang din sa sinampahan ng kaso si dating DOTC Secretary Emilio Abaya at ilan pang kasama nitong opisyal sa ahensya; dating MRT – 3 Genaral Manager Roman Buenafe, mga dating Bids and Awards Committee Officials gayundin ang mga opisyal ng BURI.