Magsisilbing pilot area sa pagpapatupad ng ”No vaccination, No ride” policy ang National Capital Region (NCR).
Ito ang paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng nakatakdang pagpapatupad nito sa susunod na Lunes, January 17.
Sa virtual press briefing ng DOTr, sinabi ni Usec. Artemio Tuazon, tanging sa Metro Manila pa lang ipatutupad ang naturang polisya dahil dito nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19
Gayunman, nilinaw ni Usec. Reiner Yebra na maaari pa ring sumakay ng pampublikong transportasyon ang mga hindi bakunado basta’t may hawak silang katibayan na essential o mahalaga ang kanilang paglabas.
Nanindigan naman ang DOTr na hindi discriminatory ang naturang polisiya lalo’t ang layunin nito na pigilan ang hawaan ng virus dulot ng Omicron variant.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala