Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA upang maibsan ang matinding problema sa traffic.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, nagkaroon na ng inisyal na talakayan ang DOTr kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) tungkol sa pagkakaroon ng dedicated lane para sa mga motorsiklo.
Puspusan na rin aniya ang ugnayan ng dalawang ahensya upang matugunan ang traffic situation sa EDSA lalo na’t kapansin-pansin na inookupa na ng mga motorista ang lahat ng lane sa naturang kalsada.
Ipinunto pa ng kalihim na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay mababawasan ang economic cost ng traffic.
Batay sa pagaaral ng Japan International Cooperation Agency noong 2012, aabot sa P 2.4 – B ang economic cost ng traffic sa Metro Manila kada araw. – sa panunulat ni Maianne Dae Palma