Pinalagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga batikos na wala umanong ginagawa ang kagawaran lalo na si Transport Secretary Arthur Tugade sa gitna ng pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Transport assistant secretary for communication Goddes Libiran, sa katunayan ay walang tigil ang pagbibigay nila ng libreng sakay sa bus para sa mga health workers.
Ani Libiran, aabot sa 95 hanggang 112 bus sa 19 na ruta ang bumabyahe kada araw.
Katuwang umano nila rito ang nasa 60 bus company na binibigyan naman aniya nila ng fuel subsidy na 50-litro kada araw.
Maliban sa mga health workers, libu-libong mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na rin aniya ang nakinabang sa libreng sakay ng DOTr katuwang ang OWWA at Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi rin ni Libiran na dahil sa kanilang pagsusulong at pakiipag-ugnayan sa Toll Regulatory Board ay naging libre para sa mga medical front liners ang toll fee.