Bigo pang makumpirma ng Commission on Appointments CA si Transportation Secretary Jaime Bautista.
Sinuspinde ang confirmation hearing kay Bautista dahil kinulang na sa oras ang CA para maipagpatuloy ang mga pagtatanong sa kalihim.
Kabilang sa nakapagtanong kay Bautista ay Senator Alan Peter Cayetano na binusisi ang pag-aaral ng DOTr sa travel time ng mga commuter sa metro manila, solusyon sa matinding trapiko, strategic planning sa transportasyon at ang delay sa mga itatayong subway.
Samantala, naging kakaiba naman ang pagtatanong ng mga CA member sa confirmation hearing ni DOST Secretary Renato Solidum, Jr.
Inalam ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta kay Solidum kung ano ang kinakain ng mga astronaut.
Kung sa isang kainan anya ay kayang mabusog ng astronaut sa loob ng ilang araw o linggo, maaari nang umimbento ang Pilipinas ng kagaya nito para ipakain sa mga mahihirap.
Tugon ni Solidum, ang mayron lang ngayon sa bansa ay mga meals na ready to eat at ipinamimigay sa mga biktima ng kalamidad na tumatagal ng anim na buwan bago masira.
Matapos nito ay nakalusot na sa committee level ng CA si Solidum, maging si Energy Secretary Rafael Lotilla at isasalang na lang sa plenary session para sa official confirmation.—- Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)