Muling tiniyak ng Department of Transportation na aayusin nito ang pasilidad at equipment sa Ninoy Aquino International Airport.
Ito’y upang hindi na maulit ang aberya noong bagong taon kung saan mahigit 280 flights at nasa 56,000 pasahero ang naapektuhan.
Sa pagharap sa imbestigasyon ng House Committee on Transportation, siniguro ni Transportation secretary Jaime Bautista na gumagawa na sila ng paraan upang mabigyan ng permanenteng solusyon ang problema sa Air Traffic Management System sa NAIA.
Ayon kay Bautista, nagpaabot na rin sila ng rekomendasyon kay Pangulong Bongbong Marcos.
Isa anya sa solusyon na gagawin ng DOTr ay ang paglalagay ng backup system ng Traffic Management and Communication na mangangailangan ng P13B para sa upgrade.
Para rin mapabilis ang pagsasaayos ng problema, idinagdag ng kalihim na kailangang agad amyendahan ang kasalukuyang ipinatutupad na Procurement Law.
Nangako naman si Bautista na tututukan din nila ang iba pang hinaing ng mga pasahero sa airport, kabilang ang hindi maayos na Ticket booking, Airport congestions, mahabang pila, Immigration issues at Baggage System. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)