Sa ilalim ng Build Better More campaign ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ng Department of Transportation kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang dekalidad na training o pagsasanay ng mga engineer, operator at technician sa Philippine Railways Institute o PRI.
Sa isang briefing ni Undersecretary for Railways Cesar Chavez, ipinaalam kay Prime Minister Kishida na patuloy ang pagsasagawa ng training sa PRI bilang paghahanda sa pagbubukas ng MRT-7 sa taong 2025.
Sa naganap na inspeksyon ni Prime Minister Kishida sa PRI train simulator room, pinatunayan ni Chavez na handa ang Pilipinas na palakasin ang kakayahan ng mga Pilipino sa pagpapatakbo ng railway systems nito.
Bukod kay Prime Minister Kishida, kasama rin sa briefing sina Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko, Special Advisor to the Prime Minister Dr. Masafumi Mori, at Japanese Vice Minister for International Affairs Atsushi Uehara.
Iginiit din ni Chavez ang mahalagang papel ng Philippine-Japan relations sapagkat sumailalim sa masusing pagsasanay ang mga propesor ng PRI mismo sa Japan.
Nagpasalamat din ang Transport official sa donasyon ng Japan sa state-of-the-art train simulator room para sa PRI, na mismong ginamit ni Prime Minister Kishida habang siya ay nagsasagawa ng inspeksyon.
Bukod sa train simulator room, ininspeksyon din ng Prime Minister ang tunnel boring machines sa Metro Manila Subway Depot sa Valenzuela City.
Limang railway projects ang kasalukuyang nakikinabang sa tulong pinansyal ng Japan na nagkakahalagang 1.315 trillion yen.
Kasama rito ang LRT Line 1 Cavite Extension, LRT Line 2 East Extension, MRT Line 3 Rehabilitation and Maintenance, North-South Commuter Rail System at Metro Manila Subway Project.