Pinahaharap sa senado ang ilang mga opisyal ng Department Of Transporation (DOTR) at Toll Regulatory Board sa Huwebes.
Ito ay para sa nakatakdang pagdinig ng Senate Committee on Public Service hinggil sa implementasyon ng cashless transaction sa mga tollways na nagreresulta sa pagbigat ng trapiko.
Ayon kay Senadora Grace Poe, Chairman ng komite, tatalakayin sa pagdinig ang 3 inihaing resolusyon na nagsusulong na imbestigahan ang pagpapatupad ng RFID system sa mga tollways.
Ani Poe, aalamin nila sa pagdinig ang nararanasang hirap at sagabal ng mga motorista dahil sa mahabang pila sa mga tollgate.
Gayundin ang pagtukoy kung bakit nagkaroon ng problema ang pagpapatupad ng cashless transaction collection scheme sa mga tollways gayung layunin dapat nito ang mas mapadali ang pagdaan dito ng mga motorista.
Binigyang diin din ni Poe ang tila mabagal na pagtugon ng mga ahensiyang dapat mangasiwa sa usapin sa kabila ng halos araw-araw na reklamo ng mga Pilipino.