Naniniwala ang grupong Riles Network na na-pressure si dating Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez kaya ito nagbitiw sa puwesto.
Sa panayam ng DWIZ kay Riles Network Spokesman Sammy Malunes, sinabi nito na malaki ang posibilidad na hindi magkasundo sina Chavez at Transportation Secretary Art Tugade sa ilang isyu na may kinalaman sa MRT at LRT.
Iginiit ni Malunes na pareho sila ng prinsipyo ni Chavez na hindi sagot ang pagsasapribado ng mga public utilities tulad ng mga tren dahil mahihirapan ang gubyerno na bigyang solusyon ang mga problema rito.
Magugunitang pormal na inanunsyo ni Chavez ang kaniyang pagbibitiw kahapon sa ngalan ng delicadeza matapos ang sunud- sunod na mga aberyang naranasan sa MRT Line 3.
Kasabay nito, nagpasalamat si Chavez sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na isang taon ng kaniyang panunungkulan.