Nakipagpulong si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez sa mga miyembro ng Metro Rail Transit Employees Association upang mapabilis at umiksi ang pila ng mga pasahero sa mga MRT station.
Ayon kay Chavez, nasa kanya ang kopya ng rekomendasyon ni DOTr Secretary Jaime Bautista para magkaroon ng maayos na serbisyo ang mga mananakay.
Ani Chavez, mahalaga na nakausap niya ang mga kasapi ng MRT Employees Association para malaman kung ano ang mga hakbang na gagawin para mapabilis at maayos ang pila ng mga pasahero ng tren.
Paliwanag pa ni Chavez na karaniwan na idinadaing ng mga pasahero ang mahabang pila sa tren ngunit kahit na ganito ay komportable at mabilis naman ang biyahe ng tren patungo sa kanilang mga trabaho.
Tinalakay din sa naturang pulong ang usapin ng ‘Libreng Sakay’ sa mga estudyante hanggang sa buwan ng Nobyembre na malaking tulong umano sa mga mag-aaral na papasok sa kanilang mga paaralan.