Muling nakapagtala ng pagtaas sa download speed para sa fixed broadband internet sa Pilipinas noong nakalipas na buwan ng Marso.
Batay ito sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index, kung saan naitala ang “highest jump” sa internet speed ng bansa mula nang mag-umpisa ang Duterte administration.
Ayon sa report ng Ookla, 7.79Mbps ang naitalang pagtaas sa internet speed kung saan mula sa 38.46Mbps noong Pebrero ay umakyat sa 46.25Mbps noong Marso.
Katumbas ito ng monthly increase na 20.25% at 484.70% increase sa download speed ng bansa kung ikukumpara sa 7.91Mbps noong July 2016.
Ang overall performance naman para sa mobile network ay bahagyang bumaba mula sa 26.24Mbps noong Pebrero sa 25.43Mbps noong Marso.
Sa kabila nito, ang mobile network performance sa bansa ay mataas pa rin ng 241.80% mula sa 7.44Mbps lamang noong July 2016.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng utos ni Pangulong Duterte noong July 2020 na pabilisin ang proseso sa aplikasyon ng permit sa mga LGU para sa pagtatayo ng cellular towers.