Nagsauli ng natagpuang bag na may lamang malaking halaga ng pera ang isang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Caraga region.
Dahil dito, hinangaan ng pamunuan ng DPWH si Bernardo dela Cruz na higit 20 taon nang nagtatrabaho sa ahensya bilang survey aide.
Kuwento ni Dela Cruz, galing siya ng palengke nang makita niya ang bag sa gilid ng daan at laking gulat niya nang makita ang bulto-bultong pera na umabot sa P360,000.
Agad niya itong ibinigay sa administrative division chief ng ahensya na naging daan upang matagumpay na maisauli ang pera.
Labis na ikinatuwa ng liderato ng DPWH-Caraga ang ginawa ni dela Cruz dahil sa kabila ng hirap ng buhay at nararanasang krisis dulot ng pandemya ay hindi nabulag ang kanilang kawani at hindi ito nagdalawang-isip na isauli ang naturang bag.