Hinimok ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga tauhan nito na gawin ang ibayong pag-iingat sa kanilang pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad.
Ito’y ayon kay DPWH Sec. Mark Villar matapos malibing ng buhay ang apat nilang tauhan ng 2nd district engineering office quick response team sa pagguho ng lupa sa lalawigan ng Ifugao.
Kasunod nito, binigyang pagkilala ni Villar ang katapangan at kagitingan ng kanilang quick response team na handang mag-alay ng sariling buhay para sa paglilingkod sa bayan.
Gayunman, pinagsabihan ni Villar ang lahat niyang tauhan na unahin pa rin ang sariling kaligtasan bago gawin ang kanilang mandato na tulungan ang mga kababayang biktima ng kalamidad.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang kalihim sa naulilang pamilya at kaanak ng apat na miyembro ng DPWD Quick Response Team na nasawi sa nangyaring trahedya.