Pinawi ng Department of Public Works and Highways O DPWH ang pangamba ng mga residenteng matatamaan ng itatayong Southeast Metro Manila Expressway (SEMME) o C6 Expressway.
Sa isinagawang ground breaking ceremony sa Taguig nitong Lunes, Enero 9, tiniyak ng DPWH na makatatanggap ng kompensasyon ang mga maaapektuhang may-ari ng mga bahay at lupa.
Ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng mahigit P31-B na may haba na higit sa 30 kilometro mula sa Taguig hanggang sa Quezon City ay nahahati sa tatlong bahagi:
Una dito ang magkokonekta mula sa FTI, Taguig hanggang Batasan, Quezon City; pangalawa, mula sa Batasan hanggang San Jose del Monte, Bulacan; at, pangatlo ay mula San Jose del Monte hanggang North Luzon Expressway o NLEX.
Sa second quarter ng 2018 sisimulan ang pagtatayo ng C6 Expressway at inaasahang matatapos sa 2020.