Aminado ang Department of Public Works and Highways na kakulangan sa pondo ang dahilan nang delay sa renovation ng tatlong drainage systems na mag-di-discharge ng tubig patungong Manila Bay.
Kinumpirma ni DPWH Secretary Manny Bonoan na sarado ang Padre Faure drainage, Remedios drainage at Estero de San Antonio upang mabigay-daan sa renovation para na rin sa kapakinabangan ng Manila Baywalk Dolomite Beach.
Isinisisi sa pagsasara ng tatlong nabanggit na drainage systems ang mga pagbaha sa ilang bahagi ng Maynila bunsod ng ilang araw na malakas na pag-ulan.
Gayunman, sa ilalim ng requirements ng Dolomite project, kailangan anya ng tatlong drainage systems na mag-bomba ng wastewater patungong sewage treatment plant bago i-discharge sa Manila Bay o malapit sa artificial beach.
Ipinaliwanag ni Bonoan na kailangang maglagay ng mas malakas na mga pambomba dahil nag-require ang Department of Environment and Natural Resources na pahabain ang mga tubo patungong dagat upang hindi madumihan ang dolomite beach.
Una nang naglaan ang Duterte administration ng P389 million para sa Dolomite beach rehabilitation project pero nagkaroon anya ng problema dahil sa additional at technical requirements ng pumping stations.