Sinagot na rin ng kampo ni 2022 Presidential Aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa COMELEC ang disqualification case na inihain ng grupong Pudno Nga Ilocano mula sa La Union.
Tumatayong Legal Counsel ng mga petitioner na pawang Martial Law Survivors, si dating COMELEC Chairman at 1987 constitution framer Christian Monsod.
Sa kanyang tugon, binatikos ng mga abogado ni Marcos ang mga argumentong isinumite ng petitioners at iginiit na hindi sapat na batayan ang imahinasyon ng grupo upang ipa-diskwalipika ang dating senador.
Una nang ipinunto ng mga petitioner sa kanilang argumento na dapat ipa-diskwalipika si Marcos sa 2022 Presidential polls dahil sa Tax conviction nito noong 90s.
Gayunman, sa bagong argumento nina Monsod, kanilang binigyang-diing hindi kwalipikado ang dating kongresista ng Ilocos Norte bilang botante, indikasyong hindi nito naabot ang constitutional requirement na dapat ay registered voter ang isang pangulo. —sa panulat ni Drew Nacino