Dalawang magkahiwalay na disqualification cases ang inihain sa Commission on Elections laban kina Cavite Vice Governor Ramon “Jolo” Revilla III at Rosario Mayor Jose Voltaire Ricafrente Jr. dahil umano sa vote buying.
Si Revilla ay tumatakbong kongresista para sa unang distrito ng Cavite habang re-electionist si Ricafrente.
Inihain ang DQ case ng mga complainant na sina Helen Alejo, Luningning Perlas, Mary Ann Pigate, Manilyn Tantay at Carmen Valderama na pawang residente ng Bayan ng Rosario.
Iginiit ni Atty. Emilio Marañon III, Legal counsel ng mga complainant, na paglabag sa Omnibus Election Code ang ginawa nina Revilla at Ricafrente nang magbahay-bahay ang mga ito sa Rosario at nangako ng financial assistance mula sa DSWD.
Sinabihan umano ng mga aide ng Bise Gobernador at Alkalde ang mga residente na maaari nilang i-claim ang cash assistance kung susuportahan nila ang dalawang kandidato.
Pinapirma rin ang mga botante ng DSWD registration form na may papel na naglalaman ng mga pangalan at campaign logo ng mga opisyal.