Iginiit ng isang law expert na kwalipikadong tumakbo bilang pangulo sa 2022 elections si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at ang petisyon para kanselahin ang kanyang cettificate of candidacy ay walang ligal na basehan.
Ayon kay Atty. Emmanuel Samonte Tipon, isang US-based Filipino lawyer at dean ng Northwestern University College of Law, wala umanong kuwestiyon na nakasunod si Marcos sa lahat ng requirement na kailangan sa ilalim na Article 7, Section 2 ng 1987 constitution.
Nakasaad dito na “no person may be elected president unless he is a natural-born citizen of the Philippines, a registered voter, able to read and write, at least forty years of age on the day of the election, and a resident of the Philippines for at least ten years immediately preceding such election.”
Idinagdag pa ni Tipon na ang binabanggit sa Section 12 ng Omnibus Election Code of the Philippines ay hindi sang-ayon sa saligang batas kaya’t hindi umano nito saklaw ang “eligibility requirement” para sa pagka-pangulo.
Alinsunod sa Section 12 ng O.E.C., “any person who has been sentenced for a crime involving moral turpitude, shall be disqualified to be a candidate and to hold any office.”
Ipinunto pa ni Tipon na hindi pwedeng i-diskwalipika si Marcos sa ilalim ng Section 12 dahil lamang sa utos ng korte na pagmultahin ito sa hindi pagpa-file ng income tax returns at hindi rin ito maituturing na krimen na may “moral turpitude.”