Malabong maging susunod na lider ng grupong Maute ang itinuturong financer nito na si Dr. Mahmoud Ahmad matapos mapatay ang lider ng teroristang grupo na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año, matatagalan pa bago makahanap ng bagong lider ang Maute group na “commonly accepted” ng lahat ng teroristang grupo sa bansa.
Naniniwala din aniya siya na hindi kayang pamunuan ni Ahmad ang local terror groups dahil sa kanya lamang ipinadadaan ang financial support para sa teroristang grupo at nagsisilbing contact ng mga dayuhan na gustong sumanib sa ISIS sa Middle East.
Umaasa naman si Año na dahil sa pagkakapatay kina Hapilon at Omar Maute ay mapapabilis na ang pagtatapos ng mahigit apat na buwang bakbakan sa Marawi City.
—-