Iparerepaso ni Senador Panfilo Lacson ang draft report ng senate committee on national defense and security panel hinggil sa red tagging.
Ito, ayon kay Lacson, ay matapos niyang makita ang inconsistencies sa listahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga estudyanteng sumanib umano sa New People’s Army.
Inamin ni Lacson na nagdadalawang isip siyang ilabas ang halos papatapos nang draft ng committee report at nais niyang marepaso ito at hilingin sa militar na i-validate ang mga nailantad na nila sa pagdinig ng senado kaugnay sa usapin.
Sinabi ni Lacson na lumalabas na sa maling impormasyon ibinase ng militar ang pagkansela nito sa University of the Philippines (UP)-Department of National Defense (DND) accord at idinawit ang mga nahuli o napatay na ng mga sundalo gayung buhay pa pala at hindi naman pala talaga nahuli o naaresto ng mga otoridad.
Malaking dahilan na aniya ang mga inconsistencies sa listahang inilabas ng AFP information exchange Facebook account para repasuhin ang mga presenation at testimonies na ginawa ng militar at kanilang mga testigo sa dalawang araw na red tagging hearing sa senado.
Inihayag pa ni Lacson na kukunin na lamang mula sa security sector ang mga dagdag na dokumento na magba-validate sa presentations kaya’t hindi na kailangan ng panibagong hearing sa usapin ng red tagging.