Ipinasasapubliko na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang draft federalism na binalangkas ng Consultative Committee o ConCom.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nais ng pangulo na tumanggap ng komento o feedback mula sa ibat ibang stakeholder sa layuning mas mapaganda ang binabalangkas na federal charter bago isumite sa Kongreso.
Hindi naman anya ito nangangahulugang hindi kuntento si Pangulong Duterte sa naging trabaho ng Con-Com at ang pagtanggap ng feedback ay bahagi na rin ng public discourse.
Inamin naman ni Roque na nag-ugat ang pasya ng punong ehekutibo na buksan sa publiko para sa komentasyo ang draft dahil na rin sa pag-aalinlangan ng ilang miyembro ng gabinete sa ilang economic aspect ng panukala.
Ulat na patay na ang isinusulong na pederalismo itinanggi ng Malakanyang
Itinanggi ng Palasyo na patay na ang isinusulong na pederalismo ng pamahalaan taliwas sa pahayag ng ilang kongresista.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, maihahalintulad ito sa “power nap” kung saan inaasahang sa sandaling gumising ay mas malakas at tila na-energized na ang isinusulong na charter change.
Nauunawaan naman anya ng Malakanyang at iginagalang ang opinyon ng kongreso bilang isang independent at co-equal branch.
Nilinaw din ni Andanar na ang mahalaga sa gobyerno at Consultative Committee ay maintindihan ang opinyon ng taumbayan dahil ito talaga ang misyon nila sa kanilang information drive.
Aminado naman ang PCOO official na nakadepende sa bilis ng pagpapaintindi sa taumbayan ang schedule kung kailan maipapasa ang pederalismo.
(with report from Jopel Pelenio)