Nakatakda ng magsimula ngayong buwan ang drainage project sa isla ng Boracay.
Ito’y matapos maaprubahan ng Board of Directors ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA ng Department of Tourism o DOT ang nasabing proyekto.
Maglalaan ang TIEZA ng 400 million pesos bilang kontribusyon sa Boracay drainage improvement project.
Kasunod nito, nanawagan ang ilang opisyal kabilang sina Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at Environment Secretary Roy Cimatu na paglaanan ng pondo ang naturang isla upang masagip ang ilang beses nang kinilala bilang “world’s best island resort”.
Samantala, ipinabatid naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kabilang sa nasabing proyekto ang pagbuo ng pipeline na maglilihis ng treated drainage water sa wetland ng Sitio Lugutan matapos mapag-alaman na may mga establisyemento na nakakonekta ang kanilang pipeline direkta sa Bulabog beach.
Kaugnay nito, nakatakdang ibunyag sa mga darating na araw ang listahan ng mahigit 100 establisyemento sa Boracay na lumalabag sa environmental at developmental laws.
Nag-ugat ang nasabing proyekto ng pamahalaan matapos ang nangyaring flashflood noong nakaraang buwan dulot ng bagyong Urduja.
—-