Aminado si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na duda siya sa resignation ni Budget Secretary Wendel Avisado sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa palpak umanong paggamit sa COVID-19 response funds.
Magugunitang kinumpirma ng Malakanyang noong isang linggo na nagbitiw sa pwesto si Avisado dahil sa issue ng kalusugan nito bukod pa sa tinamaan din ito ng COVID-19.
Ayon kay Drilon, tila nagkataon ang pagbibitiw ni avisado gayong hindi pa naisusumite ang 2022 proposed national budget kasabay ng pagkakasilip ng Commission On Audit sa umano’y deficiency sa COVID fund ng Department Of Health.
Nito lamang Miyerkules ay inilunsad ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa COA report na tumukoy sa P67 bilyong pandemic budget ng DOH na hindi umano nagamit.
Gayunman, iginiit ng DOH na inilipat nito ang bahagi ng pondo sa DBM upang ipambili ng face masks, face shields at mga personal protective equipment para sa medical frontliner noong isang taon.—sa panulat ni Drew Nacino