Isinusulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gawing P20,000 ang allowance para sa suplay ng mga guro.
Ito’y matapos ihain ni Senador Bong Revilla Jr. ang Senate Bill No. 1092 na layong itaas sa P5,000 ang annual chalk allowance ng mga guro na mula sa P3,500 pesos.
Ngunit, ayon kay Drilon, sa halip na P5,000 ay gawin na itong P20,000.
Giit ni Drilon, ang pinag-uusapan dito ay pangangailangan ng mga guro para sa maayos na edukasyon ng mga bata.
Ngunit paliwanag ni Revilla, maging siya man ay nais dagdagan ang allowance ng mga guro kahit pa umabot ng P50,000, ngunit kailangan aniyang maging makatotohanan ang panukala upang hindi ito masayang at ma-veto lamang ng pangulo.
Kung maaari aniya sana ay gawing P10,000 ngunit kailangan din isaalang-alang kung saan kukunin ang pondo.
Kung mayroon naman umanong tiyak na mapagkukunan ng pondo ay walang problema sa kanya kahit iakyat ito sa P20,000 gaya ng mungkahi ni Drilon.