Walang nakikitang iregularidad ang minorya sa Senado hinggil sa pagbili ng bakuna ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon kung ang pagbabatayan ay ang isinumiteng presyo nila Finance Sec. Carlos Dominguez at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the whole, sinabi ni Dominguez na naglalaro sa 300 hanggang P1,300 ang presyo ng bawat dose ng bakuna depende sa brand.
Bagay na ayon kay Drilon ay tumutugma sa kaniyang ginawang pananaliksik hinggil sa presyuhan ng mga bakuna na ibinebenta sa buong mundo.
Kaya naman nagpasya si Drilon na i-atras na lamang ang hiling niyang Executive session sa Senado para doon sana ilahad ang detalye sa presyo ng bawat brand ng bakuna.—ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)