Hawak ni Liberal Party (LP) Presidential bet Mar Roxas ang desisyon kung sino ang kanyang makakatandem sa susunod na eleksyon.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, bagama’t napag-uusapan ito sa partido ay si Roxas pa rin ang may final say para sa mapipiling Vice Presidential bet ng LP.
Aniya, parehong ikikononsidera sa posisyon sina Camarines Sur Congresswoman Leni Robredo at Senator Allan Peter Cayetano.
Pormal na aniyang iaanunsyo ito, kasabay ang kumpletong senatorial line up ng partido sa Miyerkules.
Survey ratings
Samantala, positibo din ang liberal party na tuloy- tuloy na pag-akyat ni dating DILG Secretary Mar Roxas sa mga survey.
Kasunod ito ng halos magkatulad na resulta ng pinakabagong Social Weather Stations at Pulse Asia survey kung saan halos statistically tie sina Roxas, Senator Grace Poe at Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, malaking bagay ang ginawang endorsement ni Pangulong Noynoy Aquino kay Roxas.
Aniya, kung si Roxas ay papunta na sa taas, naniniwala naman si Drilon na pabulusok na pababa ang ratings ni Binay.
Nilinaw naman ng Liberal Party na hindi nila ipinagbabawal sa kanilang mga balwarte ang pagdalaw at pag-imbita ng ibang kandidato.
Ito ay kasunod ng pagkakansela ng imbitasyon kina Senator Grace Poe at Senator Chiz Escudero sa Tawi-Tawi matapos itong kanselahin ng mga Liberal Party official doon.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, walang ganitong alintuntunin ang kanilang partido.
By Rianne Briones