Suportado ni Senador Franklin Drilon ang panukalang pagbebenta ng gobyerno ng ilang ari-arian para makakalap ng pondo na makaka-agapay sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Giit ni Drilon, walang pera ang pamahalaan ngayon at malaki ang budget deficit kaya’t malaki ang maitutulong kung magbebenta ang pamahalaan ng ari-arian.
Aniya sa ilalim ng GOCC Governance Act na kaniyang iniakda, binibigyang kapangyarihan dito ang pangulo na magbenta ng government-owned properties gaya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Batay umano sa estimasyon ng Department of Finance, P300-bilyon ang maaaring kitain sa pagbebenta ng PAGCOR.
Giit ni Drilon, hindi tama na ang pamahalaan ang nagpapatakbo ng isang sugalan kaya’t maaari itong ibenta sa pribadong sektor.
Isa pa aniyang maaaring ibenta ng pamahalaan ay ang lupa kung saan natakayo ang National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ayon sa senador matagal na dapat na inilipat ang Bilibid Penitentiary sa Nueva Ecija na hanggang ngayong ay hindi nagagalaw.