Inihayag ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na walang masama kung humingi man ng tulong ang mga lokal na pamahalaan sa Visayas at Mindanao mula kay Vice President Leni Robredo para mapalawig sa rehiyon ang kanyang drive-thru vaccination project.
Paliwanag ni Rodriguez, dapat na iprayoridad ang kapakanan ng publiko sa halip na pulitika ang pairalin.
Sinabi pa ng mambabatas na siya mismo ay hihingi ng tulong sa Office of the Vice President upang mapabilis ang pagbabakuna sa kanilang lugar.
Aniya, obligasyon ng mga LGUs na makakuha ng bakuna para sa kanilang mga constituents at nakita nya ang pagkakataon na ito sa programa ni Robredo.
Matatandaan na minasama ni Davao City Mayor Sarah Duterte ang suhestiyon ni Robredo na gayahin ng Davao City ang Covid approach ng Cebu City.
Giit pa ni Rodriguez, 90,000 indibidwal pa lamang ang mga nabakunahan sa CDO, kung saan mas mababa ito kumpara sa 600,000 na nabakunahan na sa NCR.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico