Magsasagawa ng kilos protesta ng mga driver-partners ng Grab sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory board o LTFRB ngayong araw.
Ito ay para ihirit ang muling pagbubukas ng accreditation matapos ianunsyo ang paged-deactivate ng 8,000 driver-partners ng Grab.
Noong Pebrero 2018, binigyan umano ng LTFRB ng tatlong taong transition period ngunit hindi sila nakakuha ng provisional authority.
Giit ng LTFRB, hindi sila mabigyan ng akreditasyon dahil sa isyu ng kaligtasan.
Ayon kay Leonardo De Leon, chairman ng Hatchback Community, hirap silang makapag renew kahit ilang beses na silang nag-apply hanggang mapasama na sila sa deactivation.
Naniniwala rin umano sila na naiipit lamang sila sa banggaan ng Grab at ng LTFRB sa isyu ng TNVs.
Grab pinagpapaliwanag kaugnay sa pagtatanggal nila ng kanilang mga driver partner
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang Grab Philippines kaugnay sa pagtatanggal sa kanilang mga driver-partner.
Magugunitang nasa 8,000 driver-partner ang dineactivate dahil sa bigo ang mga ito umano na magbigay ng provisional authority o katunayan ng kanilang prangkisa.
Ngayong araw ay haharap ang Grab sa LTFRB para magpaliwanag kaugnay sa nasabing deactivation.
Wala namang reaksyon pa ang LTFRB kaugnay sa mga reklamo hinggil sa proseso o pagkuha ng prangkisa.