Isang family driver ang patay matapos umanong hampasin sa ulo ng brick cement at putulan ng ari ng kanyang amo sa Tugbok, Davao City.
Kinilala ng Tugbok District Police Station ang biktimang si Danilo Aranzo, 51 anyos.
Ayon kay Lt. Jeffrey Bangcas, deputy commander ng Tugbok Police Station, mag-a-ala syete noong Lunes ng gabi nang dumating si Aranzo sa bahay ng amo sa Barangay Tacunan kasama ang asawa ng suspek.
Pagpasok ng bahay ay biglang hinampas ng suspek na si Alexander Taclucop, 51 anyos ang biktima sa ulo gamit ang isang brick cement.
Agad nawalan ng malay si Aranzo at itinali ang mga kamay nito at pinutulan siya ng ari gamit ang kutsilyo.
Naisugod pa sa Southern Philippines Medical Center ang biktima pero binawian din ng buhay.
Narekober sa crime scene ang kutsilyo at ang brick cement na may isang kilo ang bigat habang naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong murder.