Inilarga na ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang Driver’s Academy sa iba’t ibang panig ng bansa.
Layon nitong mapanatili ang disiplina ng mga tsuper upang maiwasan ang mga trahedya tulad ng mga aksidente sa lansangan tulad ng nangyaring pagtagilid ng isang cement mixer truck sa Quezon City.
Magugunitang isa ang naitalang nasawi habang apat naman ang sugatan sa nangyaring aksidente nang tabunan ng tumagilid na cement mixer truck ang isang kotse sa bahagi ng Mindanao Avenue.
Kasunod nito, pinayuhan ng MMDA o Metro Manila Development Authority ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan partikular na ang mga drayber ng cement mixer truck na muling sumailalim sa pagsasanay.
Ayon kay MMDA General Manager at Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Tim Orbos, malaki aniya ang maitutulong ng mga training tulad ng Driver’s Academy para maitaguyod ang mas disiplinadong pagmamaneho.