Karaniwang reklamo ng mga motorista na pumapasok sa mga pribadong subdivision o village ay hinihingan ito ng driver’s license, dahil ito raw ang patakaran ng kanilang bossing.
Madalas nangyayari itong kalakaran sa mismong entrada pa lamang kapag ang isang motorista ay pumapasok sa isang subdivision lalo’t kung walang nakapaskil na sticker o decal ang windshield nito..
Kaya naman walang magawa ang mga “Mamang Tsuper” kundi iabot sa mga guwardiyang ito ang kanilang driver’s license sa kagustuhan nilang makapasok na at maiwasan pa ang abala.
Ngunit, batid ba ng mga namamahala sa mga subdivision o village ang peligrong maaring idulot ito sa isang tsuper.
Mantakin mo, babawiin sa iyo ang driver’s license at papalitan lamang ito ng isang gate card, samantalang ikaw ay nagmamaneho ng sasakyan.
Di ba batid naman natin lahat na kinakailangan ng isang tsuper ang isang lisensiya kapag dala-dala ang kanilang sasakyan.
Eh paano, kung hindi inaasahan ay masangkot sa isang vehicular accident ang isang tsuper na kinuhanan ng lisensiya.
Hindi ba’t paglabag iyan sa batas trapiko at posibleng ma-asunto siya ng katakot-katakot na reklamo dahil sa “driving without license”.
Kaya naman, hindi ko maintindihan sa mga nangangasiwa ng seguridad sa mga subdivision kung bakit kinakailangang pang bawiin ang lisensiya gayong puwede namang hingan ito ng iba pang uri ng identification card o ID, tulad ng SSS, GSIS, BIR at ID mula sa mga taxi drivers na minsan ay pumapasok din sa mga subdivision.
Siguro dapat na itong itigil ng mga nagpapatupad ng ganitong kalakaran.
Batid natin na iisa ang hangarin ng mga tagapamahala ng seguridad sa subdivision, ngunit maari natin itong ituwid at humanap ng ibang alternatibong paraan.
Napapanahon na sigurong silipin ito ng lokal na pamahalaan o di kaya’y mula sa mga mambabatas na lumikha ng batas na nagbabawal sa pagbawi ng lisensiya kapag ang isang tsuper ay pumapasok sa isang pribadong lugar tulad ng subdivision at village.