Aabot na sa halos 50,000 driver’s license ang hindi pa nakukuha sa tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) mula noong taong 2014.
Ito ay ang mga lisensya na nakukumpiska ng mga tauhan ng MTPB dahil sa iba’t ibang traffic violation sa lungsod.
Ayon sa ahensya, karamihan sa mga may-ari ng lisensya ay nagsusumite na lamang ng affidavit of loss sa Land Transportation Office (LTO) imbis na magbayad para makuha ang nakumpiskang lisensya.
Sa ngayon ay hindi pa konektado ang electronic system ng LTO sa MTPB kaya hindi ito namomonitor ng maayos.
Payo ng mga otoridad, kunin na ang mga lisensya hanggat hindi pa ito naibibigay sa LTO dahil mas mahihirapan pa ang mga may-ari nito sa oras na mailipat na ang mga ito sa naturang ahensya.
Matatandaang pumirma sina Manila Mayor Isko Moreno at mga opisyalo ng LTO ng isang kasunduan hinggil sa kumpletong records ng mga driver’s license.