Ibinasura ng Korte sa La Union ang isinampang drug case laban sa anak ni dating Trade Secretary Roberto Ongpin na si Julian Ongpin dahil umano sa kakulangan ng probable cause.
Base sa inilabas na ruling ni San Fernando City, La Union Regional Trial Court o RTC Branch 27 Judge Romeo Agacita, kaagad na iniutos sa Bureau of Immigration na bawiin ang inilabas na hold departure order laban kay Ongpin.
Sa naging paliwanag ng korte, wala sapat na ebidensya ang mga pulis na si Ongpin ay sangkot sa pag-iingat ng iligal na droga.
Bukod pa dito, nilabag din ng mga otoridad ang chain custody rule sa kaso ni Ongpin kung saan, hindi naging maayos ang proseso ng kustodiya at disposition ng iligal na droga na isinagawa ng mga pulis.
Matatandaang kinasuhan si Ongpin noong Oktubre a-21 makaraang mahulihan ng cocaine sa inuupahan nilang kuwarto sa isang resort sa La Union kung saan, natagpuan ang bangkay ng kaniyang kasintahan na si Breana “Bree” Jonson dahilan para ituring na person of interest si Ongpin sa kaso. —sa panulat ni Angelica Doctolero