Hawak na ng Iloilo City Police Office ang listahan ng mga protektor ng napatay na drug lord ng Western Visayas na si Richard Prevendido.
Tumanggi si Senior Superintendent Marlon Tayaba, hepe ng Iloilo Provincial Police Office na tukuyin kung sino-sino at kung ano ang katungkulan ng mga protektor sa pamahalaan dahil kasalukuyan na aniya ang build-up nila ng ebidensya laban sa mga ito.
Ayon kay Tayaba, nakuha nila ito sa mga laptop at iba pang ebidensya na nakalap sa tahanan ni Prevendido.
Si Prevendido kasama ang kanyang anak ay napatay sa anti-illegal drugs operations ng Iloilo PNP.
Number one drug lord ng Western Visayas ay matagal nang wanted ng PNP at may patong na isang milyong piso sa kanyang ulo.
“Yes, may mga nakita tayo doon and titignan natin kung paano natin made-develop ang mga ebidensya against them. Ang kapulisan natin sa PRO-6 are really into respect of human rights, limited po ang insidente na yung in-implementan natin ng operation ay mangilan-ngilan lang po ang namatay, kapag hindi naman lumaban ay inaaresto po natin.” Ani Tayaba
Next target
Samantala, puntirya ngayon ng Iloilo City Police Office ang kinikilalang ikatlong drug lord sa Western Visayas.
Ayon kay Tayaba, magkakatuwang sila ng regional office sa pagtugis kay Ernesto “Erning” Bolivar na kilalang taga-Pototan Iloilo.
Si Bolivar aniya ay kilalang sub group lider ng Prevendido Drug Group na nag-ooperate sa lalawigan ng Iloilo.
Kinukuha di umano ng grupo ang kanilang suplay ng droga sa Odicta Drug Group kung saan ang lider na si Melvin Odicta Sr. at asawang si Meriam ay napatay noong Agosto ng nakaraang taon.
Anti-drug ops
Pumalag ang Iloilo City Police Office sa mga pagpuna na naging masigasig lamang sila sa anti-illegal drugs operations matapos mapaulat ang paglipat doon ni Chief Inspector Jovie Espenido.
Ayon kay Tayaba, matagal na nilang tinutugis si Richard Prevendido ang number 1 drug lord ng western visayas dahil matagal na itong wanted sa batas.
Matatandaan na mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbansag sa Iloilo City bilang ‘most shabulized city’ sa bansa.
Kamakailan ay itinalaga nito sa Iloilo PNP si Espenido matapos ang matagumpay nitong operasyon laban mga Parojinog na di umano’y nasa likod ng illegal drug trade sa Ozamiz City subalit bigla rin itong iniatras.
“Wala pong connection po diyan, actually matagal na natin itong tina-trackdown even when I was with the CIDG dito sa Region 6, continuous lang ang monitoring natin, na nakuha natin dahil sa suporta ng komunidad at madaling pag-analiza ng mga impormasyon.” Pahayag ni Tayaba
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview