Tila magkakaroon ng sariling holiday ang mga drug pusher sa limitadong implementasyon ng ‘Oplan Tokhang’.
Binigyang-diin ito ni Senador Panfilo Lacson matapos ikasa ng Philippine National Police o PNP ang pagsasagawa muli ng Oplan Tokhang tuwing Lunes hanggang Biyernes at sa daytime o araw lamang.
Ayon kay Lacson, hindi niya maintindihan kung bakit may weekend holiday pa dapat ang drug pushers gayung dapat ay sinusunod ang umiiral na batas hinggil sa pag-aresto lalo na ang mga warrantless arrest.
Dapat aniyang tuloy-tuloy ang law enforcement function ng PNP kaya’t hindi makatuwirang gawin lamang ang Oplan Tokhang tuwing 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at Lunes hanggang Biyernes.
Una dito, paliwanag ni Philippine National Police (PNP) Directorate for operations Head Director Camilo Pancratius Cascolan, maituturing na hindi pag-respeto sa pribadong oras ng sinuman kung sila ay magsasagawa ng pagbabahay-bahay sa gabi at weekends.
Bukod aniya dito, mahigpit ding ipinag-uutos ang pagsusuot ng uniporme ng mga pulis na magsasagawa ng operasyon.
Nilinaw din ng PNP na hindi sapilitan at dapat boluntaryo ang pagkuha ng mug shot at fingerprint sa mga susuko sa Tokhang.