Umabot na sa mahigit 7,000 ang napatay sa giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang maupo ito sa pwesto hanggang Disyembre 2018.
Ayon sa research ng Ateneo Policy Center, sa unang dalawang taon ng giyera kontra droga, pinakamarami ang napatay sa National Capital Region lalo na sa Manila, Quezon City at Caloocan na mahigit 2,400 drug suspects.
Sa mga lugar sa labas ng NCR pinakamarami ang napatay sa Bulacan na sinundan ng Cebu.
Gayunman, napansin ng researchers na sa pagpasok ng 2018, mas marami na ang napapatay sa CALABARZON at Central Luzon.
59 percent ng kabuuang napatay ay dahil sa police operations samantalang 35 percent ang pinatay ng hindi kilalang suspek.
22 percent o mahigit 1,500 naman sa mga napatay sa drug war ang nasama sa narco watchlist.
Circulars kaugnay sa war on drugs ugat umano ng human rights violations sa ilang suspek
Nabunyag na mismong mga circular na may kaugnayan sa war on drugs ng Duterte administration ang ugat ng mga paglabag sa karapatang pantao ng ilang suspek.
Batay ito sa research ng Ateneo Human Rights Center at binuong database ng Ateneo Policy Center.
Tinukoy ni Araceli Habaradas, isa sa mga researchers ang double barrel reloaded circular ni dating PNP chief Ronald Dela Rosa noong 2017.
Napakalaki anya ng potensyal na maabuso ang house to house visits na ginagawa ng mga pulis para hikayatin ang mga suspects na sumuko sa otoridad.
Pinuna ng grupo na walang parameter na nakasaad sa circular kung paano gagawin ang panghihikayat, walang malinaw na panuntunan kung sino ang bibisitahin at sino ang mga hihikayating sumuko at kung kelangan ba ng search warrant para manghalughog ng kabahayan.