Walang dapat ipagtaka sa biglaang pagtaas ng bilang ng mga nasasawi sa mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng kampaniya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ito’y kasunod ng kaliwa’t kanang pagkuwesyon sa mga isinagawang operasyon ng pulisya sa ilang lugar sa Bulacan, Maynila at iba pang lugar kung saan maraming drug suspek ang napapatay.
Ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, seryoso ang administrasyong Duterte hinggil sa usapin ng iligal na droga at desidido silang lutasin ang problemang ito.
Binigyang diin pa ni Panelo na armado ang mga drug suspect kaya’t hindi sila magpapahuli ng buhay sa mga awtoridad bagkus ay mas nanaisin pa nilang mamatay ng lumalaban.
Malinaw din aniya ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na patayin ang sinumang suspek na manlalaban sa kanila bilang depensa.
Pagpatay sa mga maliliit na drug suspects hindi solusyon sa problema sa iligal na droga
Walang silbi ang pagpatay sa mga mahihirap at maliliit na Pilipino kung patuloy na nagbabaha ang shabu at iba pang iligal na droga sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Senador Kiko Pangilinan kasunod ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga nasasawi bunsod ng anti-drug operations ng pulisya.
Ayon kay Pangilinan, tone-toneladang mga shabu ang naipupuslit sa Bureau of Customs (BOC) ng mga sindikato ng droga kasabwat ang ilang pulitiko.
Sa huli, iginiit ni Pangilinan na hindi makatarungan ang ginagawang pagpatay sa mga maliliit dahil ang mas dapat aniyang atupagin ng gobyerno ay ang pagpaparusa sa mga nasa likod ng pagpupuslit ng shabu sa bansa.
Paglutas sa iligal na droga madadaan sa legal na paraan – Sen. Gatchalian
Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na malulutas pa rin ng mga otoridad ang problema sa iligal na droga sa bansa sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan.
Ito ang inihayag ni Gatchalian, sa kabila ng pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi uubrang malutas ang problema ng bansa sa iligal na droga sa loob ng kalahating taon.
Ayon kay Gatchalian malamang na ngayon pa lamang ay nakikita na ni Pangulong Duterte ang buong larawan at sitwasyon ng problema sa iligal na droga kaya nagkamali ito sa kanyang naunang pagtaya.
Sinabi naman ni Senador Gringo Honasan na mas magandang mapagtuunan ng pansin ng administrasyon ang pagkakaroon ng malinaw na policy direction sa paglaban sa iligal na droga sa bansa.