Himas-rehas ngayon ang isang drug suspek na kabilang sa target list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) gayundin ang apat na iba pa sa ikinasang operasyon sa Olongapo City.
Kinilala ni PDEA Dir/Gen. Wilkins Villanueva ang mga suspek na sina Arsenio Santos alyas Boyet na nasa PDEA target list, A-R Pallorina alyas Alvin, Albert Oca alyas Bitong, Ryan Ebba at Richard Agustin na pawang residente ng lungsod.
Ayon kay Villanueva, matagal na nilang manamanmanan ang galaw ni Santos subalit ngayon lang aniya sila nagkaroon ng pagkakataon upang masakote ito.
Nakuha sa ikinasang operasyon ang apat na maliliit na sachet ng shabu na may estimate street value na Php 81,600, mga drug paraphernalia, cellphone na ginagamit sa transaksyon at marked money.
Kasalukuyang nasa detention facility ng PDEA Regional Office 3 ang mga naarestong drug suspek habang ikinakasa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito.