Tila dapat na muling pag-isipan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaigting pa nilang kampaniya kontra iligal na droga.
Ayon iyan kay Senador Panfilo Lacson na nagpahayag ng pagdududa sa nasabing kampaniya dahil sa sunud-sunod na pagkakatagpo ng mga cocaine sa karagatan ng bansa.
Sa panayam ng DWIZ kay Lacson, hinimok nito ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency gayundin ang pambansang pulisya na magkasa ng mga panibagong istratehiya para masolusyunan ang problema.
“Kung hindi talaga effective din yung bloody war against drugs, dapat mag rethink ng position, mag iba ng stratehiya ang PDEA at PNP. Kung ako nga dapat yung PDEA yung trabaho nila bigtime eh huwag na sila manghuli ng sachet-sachet o kaya kilo-kilo. Dapat ang hinahanap nila yung tone-tonelada. Yung mga street pushers kaya na ng PNP ‘yun pero hindi niyo trabaho yan doon kayo sa…specialized kayo eh. Ipaubaya niyo na lang sa PNP yung mga eskenita huwag niyo na sayangin mga resources ninyo. Kung may mahulin kayo sa eskenita dapat i-develop ninyo pataas kayo ng pataas para mahuli yung talagagang source.” Pahayag ni Sen. Lacson.
Magugunitang kamakailan lang nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pumalo na sa pito hanggang walong milyon na umano ang bilang ng mga lulong sa iligal na droga sa Metro Manila pa lamang.
Ayon kay Lacson, iba na ang labanan ngayon sa merkado ng iligal na droga kaya’t dapat na rin aniyang magbago ng hakbang ang mga awtoridad sa paglaban dito.
“Huwag na natin bilangin yung napatay, huwag na natin bilangin yung nakumpiska kasi trabaho nila ‘yun eh. Ang bilangin natin yung pumapasok pa, parang strategically are we winning? Kasi kung nananalo tayo dapat hindi na pumapasok yung droga. Ang problema nga, bunto-bunto, tone-tonelada pumapasok sa regular port pa. Dati-dati ini-i-smuggle ito yung pure smuggling o kaya nagpapasok sila ng mga precursor pagtapos may mga laboratory nagyon iba nang labanan eh.” Ani Sen. Lacson.