Tiniyak ni Interior Secretary Benhur Abalos na magpapatuloy ang drug war sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior.
Ayon kay Abalos, magiging kasing igting ng mga pagsisikap ng nakaraang administrasyon ang giyera kontra droga alinsunod sa konstitusyon.
Gayunman, aminado ang kalihim na hindi pa natatalakay ang posibleng partisipasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa drug war sa ilalim ng Duterte administration.
Dismayado naman si Abalos sa mga ibinasurang drug cases dahil sa technicalities tulad ng hindi pagdalo ng mga witness sa imbentaryo ng mga operasyon.
Sa ilalim ng Section 21 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kailangang lumagda ng Elected Public Official at kinatawan ng National Prosecution Service o Media sa kopya ng inventory.
Hinikayat din ng DILG Chief ang Local Government Units (LGU) na magtalaga ng isang tauhan mula sa National Prosecution Service para rito.