Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsasagawa muna sila ng dry run bago tuluyang hilingin sa mga local government unit (LGU) na ikansela na ang business permit ng mga provincial bus terminal sa EDSA.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, susubukan muna nila kung magiging epektibo ang naturang hakbang at upang malaman kung ano ang mga lilitaw na problema kauganay rito.
Nasa halos 50 provincial bus terminals aniya sa EDSA ang nag-aambag sa mas mabigat na daloy ng trapiko sa naturang kalsada.
Idinadaing din ni Garcia ang ginawang pamimihasa ng mga bus operators sa mga pasahero na pinapayagang bumaba sa bahagi ng West Avenue, Cubao, Ortigas at Ayala mga lugar aniya na hindi pinapayagang gawing babaan sa ilalim ng kanilang franchise.
Paliwanag ni Garcia, point to point lang talaga ang prangkisa ng mga provincial buses mula sa pinanggalingang probinsya hanggang sa kanilang terminal lamang.
Samantala, nakatakda namang isagawa ang dry run para rito pagkatapos ng Holy Week at inaasahang ipatupad ang naturang provincial bus terminal closure sa Hunyo.
Valenzuela integrated terminal
Handa na ang bagong Valenzuela integrated bus terminal sa lahat ng bibiyaheng Norte sa oras na ipatupad ang pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA.
Ayon saMMDA, isang dry run muna ang isasagawa matapos ang Semana Santa.
Kailangan nang bumaba ang mga pasahero mula Norte sa Valenzuela Gateway Complex sa Paso de Blas Road kung saan sila sasakay ng city bus patungo sa kanilang destinasyon sa Metro Manila vice versa.
Pagdating naman sa integrated terminal, kailangan munang magpa-book ng biyahe “on-line” gamit ang mga kiosk habang puwede ring bumili ng mga reloadable card o bumili ng ticket sa cashier.
Gayunman, nagrereklamo ang mga mananakay dahil dagdag oras at gastos ito sa kanilang biyahe.
—-