Mabuting magsagawa muna ng dry run ang Department of Education (DepEd) bago ang aktuwal na pagdaraos ng online classes sa Agosto.
Ayon ito kay Senador Francis Tolentino para makita na rin ng DepEd ang mga pagkukulang at problema na maaaring maranasan kapag nagbukas na ang klase
Inihalimbawa ni Tolentino ang automated elections na bago ginamit sa aktuwal na halalan ay nagsagawa ng mga dry run at pilot areas nuon ang Comelec.
Wala aniya itong pagkakaiba sa gagawing sistema ng DepEd dahil tulad ng automated elections gagamit din ng internet access ang ipatutupad na distance learning ng DepEd.
Sinabi ni Tolentino na kung maagang magagawa ang dry run mas magkakaruon ng sapat na panahon ang DepEd na i-assess kung pupuwede ba ang distance learning sa buong bansa.
Inihayag pa ni Tolentino na mahalagang factor ang internet access sa harap ng katotohanan na hindi pa nailalatag ang maayos na infrastructure sa telecommunications bukod sa maraming mga lugar sa bansa ang hanggang ngayon ay walang sapat na serbisyo ng kuryente. —ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)