Sinimulan na ngayong araw ang dry run para sa “no window hour” policy sa ilalim ng number coding scheme sa apat na pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Hindi na maaaring gamitin ng mga private vehicle na saklaw ng number coding scheme simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi ngayong Miyerkules ang window hour na alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon sa EDSA, C5, Alabang-Zapote Road at Roxas Boulevard.
Saklaw din ng dry run ang mga kalsada sa Mandaluyong, Makati at Las Piñas cities habang hinihinakayat ang mga apektadong motorista na dumaan na lamang sa 17 itinalagang Mabuhay Lanes.
Tuluyan namang ipatutupad ang panibagong polisiya simula sa Lunes, Oktubre 17.
Nilinaw naman ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Tim Orbos na bagaman mahuhuli ang mga motoristang lalabag sa gitna ng dry run, hindi naman sila bibigyan ng tickets bagkus ay paaalahanan lamang sa bagong polisiya.
By Drew Nacino