Bigong makaabot sa target na travel time ang mga point-to-point bus sa isinagawang dry run ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority kaugnay sa ikinasang Alalay sa MRT 3 kahapon.
Bagaman may mga escort mula sa Land Transportation Office at Highway Patrol Group, umabot ng isang oras at kinse minuto ang byahe ng isang bus mula North Avenue hanggang Ayala Avenue habang isang oras naman patungong Ortigas mula sa Ayala.
Pinili rin ng karamihang mga pasahero ang MRT kahit pa libre ang sakay sa mga bus, katwiran ng iba mas mabuti nang pumila ng mahaba kaysa sumakay ng bus at ma-traffic.
Ilan din sa mga pasaherong sumubok ng bus ang nagsabing babalik na lang sila sa MRT.
Samantala, ayon kay Assistant General Manager Jojo Garcia otso ang ibinigay na grado ng MMDA sa isinagawang dry run.
Ngayong araw nakatakdang simulan ang regular na pag-byahe ng point to point bus bilang ayuda sa mga pasaherong araw-araw na nakakaranas ng kalbaryo sa pagsakay sa tren.