Humingi ng pang-unawa ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa mga motorista hinggil sa pagbigat ng daloy ng trapiko ngayong hapon dahil sa isinasagawang dry run ng stop and go scheme.
Ayon sa MMDA, bahagi ito ng kanilang paghahanda sa pagdaan ng mga delegado at VIP ng ASEAN Summit sa Nobyembre.
Ilan sa mga daan na pansamantalang isinara ang Roxas Boulevard southbound lane, mula P. Burgos street hanggang Buendia at ang mga daan patungo ng CCP Complex.
Ipatutupad ang stop and go scheme mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 9:00 ng gabi.
Nakatakda ring ipatupad ang truck ban sa mga nabanggit na ruta.